A Lost Soul

 photo 0cf20dba-984e-4d5e-b17a-586b417bb5a6_zpsab7479ba.jpg

----------------


Love | Haiku | Poems |Pieces of Me | Photos |Wishes |Kwento: Ina | Journey | 6wordshorts | Unsealed Letters | Poems for Photos | Things, Love and Life | Random Facts | Flowers of Mind | Fruits of Words | Music of Heart | Quotes | Creativity Kuno | Brainiac



Blogapalooza Blogger Event




Recent Tweets @
Posts tagged "ina"

            Hindi kita kakausapin ni papansinin man lang. Galit na galit ako sa ‘yo. Sa pailang ulit na, iniwan mo ako sa ere. Sa pailang beses na, naniwala ako sa pangako mong hindi na naman natupad. Sa pailang pagkakataon, pinatunayan mong ni isa sa mga sinasabi ko, wala kang napakinggan. Palapalaging ako ang walang respeto at pagmamahal!

          Kasalanan mong lahat ito! Lahat! Kung bakit nagkaganito ang buhay ko! Mula pa noon hanggang ngayon, ikaw at ikaw ang sumisira ng mga pangarap ko. Hindi ko alam kung bakit pero tila ba lagi na lang gumagawa ang tadhana para humadlang ka sa lahat ng nais kong makamtan. Kahit pa palipasin ang noon at ibaon sa limot, lagi na lamang nauulit. Inuulit at inuulit mo pa rin!

         Nagsabi ako sa iyo ng minsan, pinakinggan mo ako, sinuportahan at pinangakuan na lagi kang nariyan at hindi ako pababayaan pero tulad ng isang baha, ako ay tinangay mo sa mabilis mong pag-agos at pagkatapos ng bagyo, ikaw ay lumisan. Ako? Naiwan sa lansangan, isang basura na naghihintay na lamang linisin ng iba. Bakit hindi mo ako tinangay sa ilog? Sa dagat? Handa naman akong lumangoy at magpadala sa daloy basta alam kong nariyan ka at alam ko ang ating patutunguhan. Kada may bagyo, maghihintay ka na lamang ng pagtigil ng ulan at ako ay lillisanin.

          Kasalanan mo itong lahat! Lahat! Wala na ako kahit isa sa buhay ko, sumulpot kang muli para iparamdam na hindi ako nag-iisa.  Tulad ng isang posporo, naging handa na muli akong magpasindi dahil alam kong kasama kita, alam kong mas malakas ang ningas nang may kasama ako. Anong nangyari? Ang sindi mo ay hinayaan mo na lamang patayin ng hangin at heto ako, nawalan na rin ng apoy.

        Kasalanan mo! Ang sarap isumbat sa ‘yo ang lahat-lahat ng nangyari at nangyayari. Iniwan mo ako noon, bumalik ka at tinanggap kita at muli, iniwan mo ako. Parang kang yoyo, bumalik na naman at ang kamay ko namang ito ay handa palaging sambutin ka pero ano? Kumawala ka na naman, ayan na naman, iniwan mo ako.

        Noon, nasa sulok lamang ako nang iniwan mong luhaan at duguan. Ngayon, hindi na ako nagkukubli sa isang sulok. Luhaan at duguan pa rin, nasa bingit na ng kamatayan, nasa gitna ng maraming tao, sumisigaw at nagbabakasakaling may sumaklolo. Marahil ay hahayaan na lamang ako dito sa gitna, naghihingalo, nauubusan ng hininga hanggang sa tuluyan nang mamatay. Mabuti pa noong sa sulok, masakit pero kinakaya. Pero ngayon, sa gitna ng maraming tao, mas masakit palang maiwang mag-isa. Iniwan mo akong naghihingalo, lumuluha at lumuluhod para pakinggan mo. Naghuhumiyaw ang damdamin pero walang nakakarinig. Nagliliyab ang buong pagkatao pero walang apoy na lumalabas.

        Kung hindi mo ako iniwan noon, baka hindi mo rin ako kayang iwan ngayon! Kasalanan mo! Kung hindi mo ako itinakwil noon, baka hindi mo kayang makitang ganito ako ngayon! Kasalanan mo! Sino nga ba naman ako sa ‘yo? Isang pagkakasala. Isang alaala ng mga pagkakamali mo noong nakalipas. Isang abala sa iyong mga pangarap na naudlot. Isang anak sa pagkadalaga o marahil isang anak na hindi mo ginusto. Isang peklat sa pagkatao mong hindi mo ginusto at ni kailanman ay hindi mo matatanggap.

        Dumating ka. Alas kwatro ng madaling araw at tinawag ang pangalan ko. Sa dinami-dami ng gusto kong isumbat sa ‘yo na kulang yata ang isang buong araw para masabi ang lahat ng ‘yon, wala akong nasabi kahit isang salita. Walang tinig na lumabas sa aking bibig. Pagbuksan ka ng pinto. Iyon lang ang tangi kong nagawa. Natulog tayong magkatabi, sinabi ko ang mga nangyari sa maayos na paraan. “Kasalanan ko na nga. Huwag mo na akong sisihin”, sambit mo.

          “Tangina! Kasalanan mo nga! Kasalanan mo nga hindi ba? So sinong sisisihin ko? Yung walang kasalanan? Nang dahil sa ‘yo, nagkaganito ako. Naging patapon katulad mo! KASALANAN MO!”

         Gusto ko mang sambitin pero wala talagang lumalabas na mga salitang ganoon mula sa akin kundi “Huwag na nating pag-usapan, matulog ka na”.

       Badtrip ako, umaga pa lang simula ng dumating ka pero hindi ko kayang ipakita sa ‘yo kaya umalis na lamang ako, nagpasundo sa lalaki at magkakape para magpalamig ng ulo. Sabi ko, babalik ako ng tanghali pero gabi na nang ako ay nakabalik. Naroon ka pa rin – nakahiga sa aking kama. Umupo ako sa upuan. Umiyak sa sobrang bigat ng nararamdaman. Umiyak sa dami ng problema. Tumingin ka sa akin. Tumulo rin ang iyong mga luha kaya dagli kong pinunasan ang akin dahil alam mong ayokong sabay tayong iiyak.

         “Anak, huwag ka namang umiyak. Alam mo namang isang iyak mo lang ay hindi ko na alam ang gagawin ko. Tumahan ka na”, wika mo.

         “Lumabas ka ng kwarto! Labas! Bilis!” at lumabas ka nga. Naririnig ko mula sa aking kinauupuan ang iyong paghikbi. Ako, nakupo pa rin at saka umiyak pagkatapos mong lumabas. Hindi ko mapigilan ang paghagulhol. Galit sa mundo. Galit sa lahat. Sa lahat ng nangyayari, may dahilan pa ba para maging masaya ako? Galit ako sa sarili ko. Naiinis ako. Bakit sa dami kong gustong sabihin, sa dami ng gusto kong isumbat, sa lahat ng pasakit na dinulot at dinudulot mo, wala akong masabi? Bakit?

         Akala ko noon, malakas akong tao, iyon din ang sabi nila. Siguro, kaya ko pa lang noon at ngayon, hindi na. Mahina ako. Wala na akong lakas para lumaban. Gusto ko na lang sumuko. Mahina ako sa problema. Mahina ako sa sakit. Mahina ako pagdating sa ‘yo. Ikaw ang nagpalakas sa akin, ikaw ang nagpahina. Ikaw ang kahinaan ko.

        Kung hindi mo kayang makitang umiiyak ako, ganoon din ako sa ‘yo. Tanginang buhay naman ‘to oh! Bakit ganito niya tayo paglaruan?

        Gusto kong isiping kathang-isip lang ito. Gusto kong paniwalain ang sarili kong isa lamang ito sa mga masasamang panaginip na naranasan ko, na magigising din ako at masasabing, panaginip lang pala.

        Nagising ako kanina, mga bandang alas otso nang tumawag ang Mama ko. Ang dami niyang tanong na hindi ko na rin maintindihan sa sobrang pagkaantok ko at ang natatandaan kong sinabi ko ay "E hindi ko pa nga alaaam!" nang pasigaw. Tapos sabi niya, "E tinatanong ko lang naman anak" nang sobrang hinahon. Sobrang layo sa kung paano ko sinagot ang mga tanong niya. Tapos nagsalita siya at tinapos ang usapan sa isang malalim na “haaaaay”.

         Dedma. Nakatulog din ako agad at sa muling paggising ko ay text niya agad ang bumungad sa akin "Mahal na mahal kita anak at iyon ang lagi mong tatandaan". Saka lang nagsink in sa akin na pabalang ko na naman siyang sinagot kanina. Ang sama ko kaya nagsorry ako. Okay lang naman daw at sorry daw kasi ginising niya ako. Naku, lalo naman akong nakonsensya.

        Ang mas nakakakonsensya pa ay nang mapag-usapan namin ang pera. Hindi kasi namin namalayan na sobrang laki pala ng nagastos ko ngayong buwan at hindi ko naman alam kung saan napapunta at hindi ko naimagine na umabot ng ganoon. Haaaay. Nakakahiya. Pero ayos lang naman daw kasi hindi niya rin napansin. Susko, Hazel, magbago ka na nga.

>Hindi siya ang pinakamabuting tao sa mundo
>Hindi siya ang pinakamayaman
>Hindi ang pinakamaganda
>Hindi ang pinakamatalino
>Hindi ang pinakamaalaga
>Marahil ay hindi siya ang taong gusto mong maging Ina

Ang Mama ko?

                    Hindi man siya ang pinakamabuting tao sa mundo, nagkasala at nagkamali man siya ng ilang beses sa buhay niya pero nagbago siya bilang Ina. Ang pagiging Ina niya ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob upang mapabuti, upang magbago. Hindi man siya ang pinakamayamang tao sa mundo pero lahat ng meron siya ay handa niyang ibigay sa amin ng kapatid ko. Hindi man siya ang pinakamaganda pero wala nang mas gaganda pa para sa amin ng kapatid ko. Hindi man siya ang pinakamatalino pero ang nasa isipan niya ay tanging kami. Hindi niya man alam minsan kung paano kami palalakihin at aalagaan, hindi naman siya nagkulang na ipaalala sa amin mahal niya kami. Hindi man siya ang taong gusto niyong maging Ina, mapalad kami at siya ang aming magulang.                  


Dear Ma,

                    Alam kong sakit kami o ako sa ulo minsan pero kahit ganoon e hindi ka sumuko. Kahit na malaki ang kasalanan ko sa ‘yo e napatawad mo pa rin ako. Tama ka nga noon, wala akong ibang tatakbuhan kundi ikaw. Ang pinakapasasalamat ko lang e noong dumating ang panahong tatakbo na ako patungo sa ‘yo ay hindi ka tumakbo palayo. Tinanggap mo ako. Akala ko noon, sira na ang buhay ko ng mawala ang Inay pero hindi pala. Sabay pala tayong magtutuwid ng ating mga pagkakamali. Sabay pala tayong magsasabuhay ng ating mga natutunan.                    

                    Lahat ng mga pinangakoko sa ‘yo kamakailan lamang ay hindi ko kalilimutan. Hindi ba’t sabi ko sa ‘yo ay huwag kang mag-alala, andito lang kami ni Totoy para sa ‘yo. Kapag feeling mo e wala nang naniniwala sa ‘yo e isipin mo lang kaming mga anak mo. Hinding hindi ka namin iiwan. Kapag pakiramdam mo e tinataboy ka ng mundo, itataboy namin ang mundo at gagawa tayo ng sarili.                    

                    Sabi mo sa akin malapit na ang panahon na hindi na ako para sa ‘yo dahil magkakaroon na ako ng sariling pamilya. Pero alam mo? Mali ka, magkaroon man ako ng pamilya - asawa at anak - para sa ‘yo pa rin ako. Mamahalin pa rin kita kasama ng manugang at apo mo.                    

                    Ang hina ko pagdating sa ‘yo. Lagi mo akong napapaiyak. Kung noon sa poot, ngayon sa pagmamahal. Ikaw ang kahinaan ko pero ikaw rin ang lakas ko.                    

                    Sabi ko nga sa ‘yo, it is never too late to get the thing you always wanted and now, Haggai and I are here, the persons you want to here 'I Love You' from. Oo, pwedeng pwede mo nang ipagsigawan na kami ang anak mo at ipagsisigawan rin namin na ikaw ang aming Ina.                    

                    Masaya ako na ikaw ang aking ina. Hindi man maganda ang naging simula, sisiguraduhin ko namang maganda ang kasalukuyan at hinaharap.                    

                    Marami pa akong gustong sabihin. Baka sa sulat ko na lamang uli idaan. Alam ko kasing iiyak ka na naman at maiiyak rin kami ng kapatid ko.                    

                    Happy Mother’s Day, Ma! Mahal na mahal na mahal kita.                  

Ang iyong dalaga,
Hazel

        Tunay nga atang mapaglaro ang buhay. Noon, ang hangad ko ay mahalin ako bilang anak, hindi naibigay ng sarili kong ina. Galit, pasakit at sumbat lang ang nakuha ko. Pangarap kong maipaglaba ng damit ng sariling magulang, ang maipagluto ng almusal and maabutan ng tuwalya kapag nakalimutan ko itong dalhin sa tuwing maliligo ako. Hindi ko nakamit.

        Hindi naman ako mapaghanap ng kung anu-ano. Pero marami akong pangarap. Marami akong hiling. Pagmamahal, pagtanggap at pagkalinga, sinong ayaw ng mga yan? 

           Masalimuot ang aking nakaraan pero hindi ko hinayaang hadlangan noon ang aking kasalukuyan at maging hinaharap.

           May mga bagay nga sigurong hindi mo makukuha agad. Kailangan ng paghihintay. Hihintayin munang mawala ang galit para maluwag sa puso ang pagtanggap.

            Makalipas ang mahigit dalawang dekada, oo, halos dalawang dekada, nakamtan ko ang aking mga hiling. Sa kabila ng bawat pait ng nakaraan, may tamis pa rin palang mangyayari. Matagal na akong nakapagpatawad. Matagal na akong tumanggap. Naghihintay na lang at gumagawa ng paraan upang maging masaya.

           Kanina ko lamang napatunayan na wala na, wala na ang isang anak na iniwang luhaan at duguan. Nariyan na ang tanging hinihiling - ang pagmamahal ng isang ina.

           Naramdaman ko ang pagsisisi niya kung paano niya ako itinakwil dati bilang anak. Naramdaman ko ang panghihinayang niya na hindi niya nakasama ang isa mabuting nilalang (sabi niya). Naramdaman ko ang pagmamahal, sa wakas.

        Pangit mang tingnan pero hindi ako nagsisisi sa kung anuman ang nangyari sa amin noon. Kung paano ko siya sinumbatan at kung paano niya rin ako pinagtabuyuan. Bakit? Dahil hindi siguro ganito kasaya sa pakiramdam. Iba kasi ang pakiramdam kapag yung mga hindi mo inaasahang pangyayari ay mangyayari sa ‘yo. Napakasaya.

         Kung hindi siguro kami nagkasamaan ng loob noon at maayos kaming nagsama ay baka hindi niya ako hanapin ngayon. Ngayon na kailangang kailangan ko siya.

        Wala akong pinagsisisihan. Natuto ako, natuto siya. Pagsubok sa buhay na pareho naming nilabanan. Panghihinayang siguro, meron. Sabi niya nga, konti na lamang ang panahong makakasama ko siya nang bente cuatro oras sa isang araw dahil hindi kalauna’y mamumuhay na rin ako bilang isang matanda. Magtatrabaho, mag-aasawa at magkakaroon ng pamilya. Hindi na ako bata para iisantabi ang mga bagay na ito.

        Magpaglaro nga ang buhay. Kung kailan nakamtan ko na ang isa sa pinakaaasam ko, saka naman konti na lang ang panahon para magpakasasa rito.

          Gayunpaman, hindi pa huli ang lahat. Isa ito sa mga patunay. Makalipas ang mahabang panahon, sinong mag-aakala sa pagpapatawad at pagmamahal na hindi inaaasahan?

         Masaya ako. Marami akong natutunan sa mga pinagdaanan ko. ganun din naman siguro siya.

        Sa ngayon, ayaw ko na iiyak siya at sasabihin niyang hindi ko siya pinahahalagahan tulad ng dati. At hinding-hindi ko na rin ibabalik sa kanya ang paratang na iyan.

        Mapaglaro ang buhay pero masayang makipaglaro. Ikaw man ang taya, kung hindi ka naman susuko e makakamtan mo pa rin ang nais mo.

Mama, I love and miss you.

So nagdadrama nga ako ngayon dahil bigla kong naramdaman ang emptiness ng kawalan ng ama tapos biglang may nagtext, si Mother Earth, as in, ngayon lang…,

MAMA: Dito ka na tumira sa akin ha para mabuo na ang pamilya natin. Kailan ka pa mananatili sa akin? Darating ang panahon na hindi ka na rin para sa akin. Mag-aasawa ka at magiging para sa kanila ka na at mga anak niyo. Kaya dito ka muna sa akin habang dalaga ka pa. Hindi ka na rin naman bata. Alam kong marami akong pagkukulang, hayaan mong punan ko yun anak. Sige na.

          Bumabaha na ng luha dito sa kwarto ko. Ang galing lang ng timing ni Mother Earth e! tsk. Haaaay. Parang dinudurog ang puso ko pero masaya naman ako. Napakaraming nasayang na panahon ng dahil sa galit. :| Ang hirap. Gustuhin ko man e siguro, ilang linggo lang kasi papasok na rin ako tapos pagdating ng October o November e magtatrabaho. Waaaa. Bakit ganun? Hindi ba pwedeng itigil muna ang ikot ng mundo at maging masaya naman kami ng ina ko kahit isang araw lang. Kahit isang araw lang. Please. :’(

            Ramdam na ramdam ko ang pagmamakaawa ng Mama ko sa text na ‘yon, magkasama lang kami. Ramdam ko ang pagsisisi. Ramdam ko ang panghihinayang sa mga panahong itinaboy niya ako. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal niya sa akin ngayon.

Dear Ma,

          I don’t know what’s going on. Why aren’t you talking to me? What happened? I need you now. Tita Flor isn’t communicating with me, too, for the reasons I fcuking don’t know. I miss her. I miss you! Talk to me. 

           Ma, I know it’s your birthday tomorrow and in my 21 years in this world, I never did something extraordinary to make you feel loved especially on your birthday. I did text you "I Love You" 3 times. Yes, in 21 years, 3 times. :| I am sorry.

           I know that you saw me as your failure before and that changed. But now, I feel like I am. I am such a failure. I didn’t commit a lot of mistakes. In fact, I did litlle things and that’s why I think I am such a big failure. I don’t do things. I am afraid to commit mistakes. And just when I see myself as such, you look at me as the most beautiful person. How ironic.

          I don’t say "I love you" because..because..I don’t know. I feel more than those words could expound. I accepted you for who you are though you don’t feel the same way before. In my 21 years, I live with the hope that I will have a “mother” in you someday and I did.

           I feel uneasy at the moment. I think I am a loser for not being there beside you on your birthday. But I tell you this, I may fail in many things. I may lose in many battles. And here, I will never fail to love you. I will never lose faith in you.

          I love you.

Your daughter,
Hazel 

  I am starting to be, yes, a good daughter. I know I am somewhat old for this stuff but true enough, it’s never too late. You see, I am no good at all - on being a friend, student, employee, housemate, orgmate or in this case, a daughter. Being a human is no excuse at all but not having the courage to do what’s right is acceptable yet lame excuse.
         My mother is of the same specie; commits mistakes, misplaces the courage and gets confused sometimes or maybe most of the times. She committed a lot of mistakes in the past. In fact, a lot. When she was given the chance to change (aside from paying years without a normal life), it seemed that the world had turn it’s back away from her. What was the chance given to her when she had no one to change for (except for herself)? What was there in second chances when no one believed you can give it try? I pity her.
        I know in the first place that those were all because of her, being irresponsible of what she was doing. But come on, she paid for her mistakes. Even if the payment meant, in a daughter’s point of view, TAKING AWAY MY MOTHER!
        After the “payment” was done, I did not know what happened. It was like this “getting-used-to-things-you-have” and look for no one else. I got used to live my life without her and still, being a child, I wanted a mother, the real one, so I gave her the chance. You may ask how could I say that I gave her a chance when I was so young when she came back. Well, I just knew every detail of that night when she came back. I was in my kindergarten and maybe too young but I can still remember the sounds of laughters with my Inay, Ate Aileen and Tatay when a tricycle stopped in front of the house and a lady in black slacks with white long-sleeved top came down the vehicle. I told you, I can still remember. Try me!
         We lived a good life, as a mother and child. for a while. Sadly, yes, for a while. The “payment” may had caused a lot of changes. maybe the chances to have a good family was one of the things she wanted and she was not able to do it so she rushed, again, things and started a new family even if it meant having me, being left behind.

Read More

          Minsan naiisip kong hindi sayang ang lahat. Hindi ko pinagsisihan ang galit na naramdaman ko sa’yo. Hindi ko pinagsisihan na ikamuhi ka noong panahong ikinakamuhi mo ako. Iniwan mo ako pero may panahon rin namang mas pinili kong hindi sumama sa’yo. Sinigawan mo ako at ipinagtabuyan, dumating din naman ako sa puntong iyon.

          Pareho tayong may pagkakamali. Hindi ko na alam kung sino ang “mas” nagkamali. Tapos na yun. Hindi ko pinagsisihang hindi ko piniling sumama sa iyo.

          Natuto akong magpatawad. Natuto akong mamuhay mag-isa. Natuto akong maging kuntento sa buhay na mayroon ako. Sumaya ako at hindi na rin naghanap ng magulang. At natuto ako na sa huli, dumaan man ang mga panahong yun, hahanapin pa rin pala kita. Na sa huli, kapag wala na ang lahat sa akin, ikaw ang sasalo sa akin gaya ng ginagawa mo ngayon.

           Oo nga’t dumaan ako sa panahong luhaan at sugatan pero ni minsan hindi kita tinanong kung ganoon rin ang nararamdaman ko. Pinagpalagay ko na lamang na wala kang pakelam pero mali ako. Ako ang walang pakelam. Hinihintay ko ang panahong maging Ina ka sa akin pero nang dumating yun, hindi ko mabuksan ang puso ko. Patawad. Kinailangan pang mawala sa akin ang lahat. 

           Siguro nga bukas na ang puso ko ngayon. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal mo kahit na hindi tayo magkasama at hindi ko pa rin mapagbigyan ang kahilingan mong magsama tayo. Hindi pa lang ako handa. Matanda na ako. Hindi ko na rin kailangan lahat ng ibinibigay mo pero alam mong hinahanap ko ito kaya pinipilit mo. Sobrang masaya ako. Habang nabubuhay pa tayo, masasabi kong hindi pa huli ang lahat.

            Para akong bata na umiiyak ngayon dahil muli, nakaramdam ako ng pagmamahal at hinahanap ko ang aking Mama. Para akong sanggol na nanlalambing sa’yo para lang ibigay ang gusto ko. Ang sarap sa pakiramdam. Sobra. Magkakasama rin tayo. Mahal kita. 

           Ilang araw na akong nag-iisip kung ano pang pangyayari ang pwede kong ikwento para mailabas ang lungot at galit. Mahigit isang lingo na bago masundan nito ang huling kwento pero wala na akong maisip.

           Tunay ngang ang tao ay tumatanda ay nababago ang pag-iisip at pag-unawa. Tumuntong ako ng kolehiyo nang hindi ka inisip masyado. Mas maayos nay un kaysa magkagulo tayo. Pero gusto kong malaman mo na kayo ko ginagawa ang lahat ng ito ay para rin sa ‘yo. Gusto kong maging matagumpay para maibigay sa ‘yo ang mga bagay na ipinagkait sa iyo ng tadhana.

           Ina kita, anak mo ako. Yun ang mahalaga. Ang mga pasakit na naranasan ko ay nagbigay sa akin ng lakas. Habang tumatanda ako, nagpapasalamat ako dahil kung hindi dahil doon ay hindi ko makakayang lumaban nang may takot. Sigurop ay napariwara na ako. Salamat rin at kahit na ganoon ang mga nangyari sa atin ay binigyan ako ng lakas para malaman na sa paglipas ng panahon, sa mga sakit na naramdaman, mahal pa rin kita.

           Wala na akong galit, matagal na yung nawala. Kinailangan ko lamang isulat ang lahat para alamin kung alin ba talaga ang nagbibigay sa akin pagkamuhi.

           Sanay na ako na wala ka sa tabi ko pero hindi yun ang dahilan para hindi ko pangarapin na isang araw, makakasama rin kita. Hindi mo man nagawa ang mga dapat gawain ng isang ina, asahan mo na sa iyong pagtanda ay magiging anak mo pa rin ako. Hindi mo man ako naalagaan, aalagaan naman kita. Aakayin kita kapag nahihirapan ka ng lumakad. Hindi mo man ako nayakap at nahalikan, tandaan mong kapag magkasama na tayo, yayakapin at hahalikan kita ng pagmamahal.

           Wala ako rito kung wala ka. Sa oras na magkasama tayo sa bahay na ibibigay ko sa iyo sa hinaharap, hindi ko hahayaang may kumuha pang muli sa ‘yo. Kayak o ng lumaban. Kaya na kitang ipaglaban. Kapag may umayaw pang muli sa ‘yo, wala kang kailangang gawin kundi matulog, ako ang bahala sa kanila.

           Naalala mo ba nung pinag-uusapan natin ang mamanahing lupa noon? Masama ang loob mo pero ang sabi ko, huwag kang mag-alala kasi mabibigyan kita ng mas malaki pa roon. Hindi man iyo sa medaling panahon pero maibibigay ko yun sa iyo.

           Patuloy akong umaasa sa muli nating pagsasama. Pagsasamang hindi panandalian lang. hindi pa huli ang lahat. Handa akong ipakilala sa iyo ang iyong anak na nawala. Handa akong maging isang batang babae muli sa piling mo. Mahal kita. Hangga’t may umaga, hangga’t may gabi, hangga’t akok’y may hininga, hindi magbabago yun. Salamat sa iyo. Sana ay mayakap kita ngayong Pasko.

           Ito na ang huli sa kwentong Ina ko pero alam kong masusundan pa ito sa hinaharap. Tapos na ang kwento ng pighati at pasakit. Sa susunod, kwento naman ng pagmamahal at kaligayahan ng anak sa piling ng Ina. Sana ay malapit na.

           Apat na taon akong namuhay sa sekondarya na wala ka. Sumaya ako, nalungkot, nagmahal at nasaktan nang wala ka.

          Tanggap ko na noong simula pa lamang na haharapin ko ang buhay na ito na hindi ka kasama at wala akong inang matatakbuhan. Kailanman ay hindi nahalata sa akin ang pangungulila sa’yo kahit na nalulunod na ang aking puso sa luha sa paghahanap ng kalinga mo.

          Hindi madali. Kailanman ay hindi naging madali ang mawalan ng magulang ang isang nagdadalaga o kahit nagbibinatang anak ngunit pinili ko pa ring maging masaya.

           Masakit na mas alam ng mga kaibigan ko ang mga pinagdadaanan ko. Oo nga’t ganoon naman talaga sa buhay, mas marami pang alam ang mga kaibigan kaysa sa pamilya. Pero alam mo rin naman na hindi ako naniniwala sa ganoon. Dahil ang kaibigan, nawawala yan at sa darating na panahon, magkakaroon ng sariling pamilya. Paano ako ngayon kapag nangyari yun?

           Galit lang ang naramdaman ko sa’yo sa apat na taon ko sa hayskul. Galit na kinimkim at nagkubli ng pagasa na sana, hindi pa huli ang lahat.

           Napakasakit na magulang pa ng kaibigan mo ang nakakaalam ng mga problema at pangangailangan mo gayong ikaw naman ay buhay na buhay. Ayaw kitang makita o makausap dahil sa tuwing nangyayari yun, nag-aaway lamang tayo.

          Dumating ang aking pagtatapos. Sa pagkakataong ito, pinili kitang makasama sa entablado. Ikaw naman ang may ayaw ngayon. Sabi mo nagsisisi ka. Hindi mo nakita kung gaano ako kahalaga at pakiramdam mo ay hindi ka nararapat para umakyat kasama ko sa entablado para abutin ang diploma ko. Gayunpaman, hindi mo ako natanggihan.

          Apat na taon na wala ka. Apat na taon ng pangungulila. Apat na taon ang lumipas na kinalimutan mong may anak ka sa katauhan ko. Natapos ang apat na taon at sa huli, ikaw pa rin ang pinili ko. Sa araw na yun, kinalimutan ko ang lahat. Binigyan kita ng pagkakataon. Pagkakataon na hindi kita binigyan ng anumang pagpipilian kundi ang gusto ko.

           Pasasalamat na lamang ang nagsuma ng aking nararamdaman. Iniwan mo ako pero marami akong natutunan. Nagawa kong tumayo sa sarili kong paa. Natuto akong harapin ang maliliit hanggang sa malalaking problema. Bagay na hindi mo inaasahan sa ganoong edad. Wala akong pinagsisihan. Natuto ako, yun na lamang ang pasubali ko.

           Naaalala ko noong nasa ikalawang taon ako ng hayskul, umuwi ako isang hapon na wala pa ang Inay kaya wala akong meryenda pa. Hindi sanay ang aking katawan sa ganoong sistema, ang walang pagkain habang nanonood ng Doraemon.

           Napansin mong hindi na ako mapakali at natatalo na ng gutom. Makikita mo yan sa aking mukha. Kaya naman kumuha ka ng pera at bumili ng hamburger para sa akin at para kay Totoy.

           Unang kagat ko, may narinig akong mangol (ungol ng pagrereklamo). Pinahinaan ko ang volume telebisyon para alamin kung ano yun.  Sinundan ko ang nakakairitang tinig. Dinala ako ng aking mga paa sa labas. Asawa mo pala. Galit na galit sa akin ang mga matang nanlilisik. Hindi ko alam kung bakit ganoon kaya ako itong maldita, nagtanong, “Bakit ganyang kang makatingin ha?”

          “Putangina mo!” Yan ang sagot niya sa akin. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nabalot ako ng takot pero hindi ko pinahalata. Sa kanya mo pala kinuha ang pinambili mo ng kinakain ko. Hindi ako nagpatalo, binato ko sa mukha niya ang pagkaing ipinagdadamot niya. “Putangina mo rin! Halagang bente pesos, papatayin mo ako sa sarili naming bahay?”

           Sumugod siya papalapit sa akin upang ako’y saktan. Nawala ang takot ko nang maramdaman kong ang mga braso mo ay nakapalibot sa akin. Yakap mo ako. Sa halip na pagtuunan ko ng pansin ang lalaking dapat ay mananakit sa akin, sa halip na matakot ako, natuwa ako. Para akong lumulutang sa sarap ng pakiramdam ng katawan mong nakabalot sa katawan ko. Para akong bumalik sa pagiging sanggol at sa pang-iilan lamang na pagkakataon, naramdaman kong mahal mo ako.

          Itinulak mo ako palayo at sinabing “Takbo sa Daddy mo!” at dali-dali nga akong tumakbo papunta sa Daddy (Tito). “Daddy! Si Bingo!” Hindi na nagtanong ang Daddy at pumunta na sa bahay. Sumunod ako. Nakita kong sinusuntok ng Kuya Teddy (Tito rin) si Bingo habang sinasaktan ka niya. Kumurap lang ako at nakita ko ang lalaking nananakit sa atin na nakahiga at nanghihina habang ang Kuya Teddy, Daddy, Kuya Oca at ikaw, nakatayo at kinakamusta ako.

         Hindi ako mahilig sa dahas pero masaya ako noong araw na yun. Pakiramdam ko, andaming nagmamahal sa akin. Wala man akong ama, may tatlo namang lalaking tumayo para protektahan ako. At sa iilang pagkakataon, naramdaman ko ang mga yakap mo. At sa unang pagkakataon, sa kaisa-isang sandaling iyon, naramdaman ko ang pagiging ina mo sa akin.

          Tuluyan ko na ngang nilisan ang mundo ng kabataan. Ang mundo kung saan para sa akin, ang pag-aaral at pagpasok sa eskwelahan ay panakip butas lamang sa kagustuhan kong maglaro.

           Nagdaan ako sa tatlong madudugong pagsusulit para makapasok sa isang Science High School. Bukod sa kagustuhan ko ito, ikaw ang pumilit sa akin na mag-apply para may madagdag na naman sa ipagmamayabang mo. Hindi para sa akin kundi para sa iyo.

           Maaga akong pumupunta sa mataasan na paaralang iyon sa tuwing kukuha ng pagsusulit. Andaming estudyante mula sa iba’t ibang paaralan. Mga valedictorian pa ang karamihan. Ang ingay ng paligid. May mga nagkukwentuhang mga estudyante at nagtsitsismisang mga magulang. Ako? Nasa isang tabi, nakaupo, mag-isa. Nasaan ka? Dinala mo ako sa laban na ito pero iniwan mo ako sa panahon ng pakikidigma.

           Interview na ang huling hakbang para makapasok. Kabado ako, sobra. Hindi ko alam ang gagawin. Nanginginig ako. Namamawis ang aking mga kamay sa kaba. Wala akong pinag-applyang ibang paaralan kaya kailangang makuha ako. Nangingilid ang luha ko sa sobrang takot at pangamba. Pero yung iba, mga nakangiti, nakikipagkwentuhan kasama ng mga magulang nila. Muli, nasaan ka?

           Natanggap ako! Masaya ako. Masaya ka ba? Hindi ko alam. Hindi ko alam kung nasaan ka na naman.

           Bago ang pasukan, may pagpupulong na ginanap para sa mga magulang at estudyante. Maganda ang usapan natin noong gabi bago ang araw nay un. Pupunta ka. Nawala ang hinanakit ko sa mga pagkakataong wala ka noong mga araw na kinakabahan ako. Masaya na ako kasi sa wakas, makakapunta ka.

           Sumikat na nga ang araw at sabay tayong pumunta sa paaralan. Lahat sila naroon. Umupo tayo. Ang tagal magsimula. Nakaramdam ako ng pag-ihi at pumunta sa banyo. Bumalik ako sa silid. Binalot ng galit ang pagkatao ko. Ikinulong ako ng hiya. Nasaan ka? INIWAN MO AKO!

           Umuwi na lamang ako at gaya ng palagi mong binibigay sa akin, luha ang dumaloy sa maghapon hanggang sa ako ay makatulog na naman.

           Hindi mo ako kailangang paasahin. Sinabi mo na lamang sana ang totoo. Lagi mo itong ginagawa sa akin. Ang mangako, paasahin ako at iwanan sa ere. Masakit. Naawa ako sa sarili ko. Sana naawa ka rin sa akin. Sana naawa ka sa anak mo.

           Kapaskuhan noon. Pumunta tayo sa mga ninong at ninang ng aking kapatid para kunin ang kanyang regalo.

           Maaga tayong umalis ng bahay. Ang kisig natin sa mga bagong damit na suot. Maganda ang panahon, hindi panira sa ating itsura. Napakasaya. Feeling ko prinsesa ako sa bestidang kulay pula at sapatos na kulay puti.

           Masayang hinarap ang mga pinuntahan. Napakaproud mo na namang Ina. Pinapakilala mo ang anak mo nang sobrang yabang. Pinapakilala mo ang anak mo, ang kapatid ko. Ako, nakaupo sa isang sulok, kumakain.

           Pumunta tayo sa huling Ninang ni Totoy. Natatandaan ko, doon tayo pinakanagtagal. At sinong makalilimot ng bahay na iyon? Kumakain tayo sa mesa, ako, ikaw, si totoy at ang kanyang ninang. Pinakilala mo uli ang iyong anak. Nagkwentuhan kayo, nagtawanan at kung anu-ano pa. Napakasaya niyo habang ako, pinipilit sumaya sa mga minatamis na nakahain sa mesa.

           Sa wakas, may naglakas ng loob. Tinanong ng Ninang ni totoy kung sino ako. Napatunghay ako at bahagyang ngumiti dahil sa wakas, may makakaalam na rin na anak mo rin ako. Nakatingin sa iyong mga labi, inantay ko itong sambitin ang mga katagang “Anak Ko” at eksayted akong lumundag sa tuwa.

           “Pamangkin ko”. Parang akong sinaksak ng matalim sa kutsilyo sa aking likuran. Sinaksak ako pero hindi hinayaang mamatay. Damang dama ko ang sakit. Gusto ko na lamang umuwi. Hindi ko matanggap kaya biglang lumabas sa aking bibig ang katagang “Mama” sa tonong nagmamakaawa at sa boses na nanginginig.

           “Bakit Mama ang tawag sa iyo?” buong pagtataka ng ninang. “Wala ka ng lusot” yan ang sabi ko sa aking isipan. Pero sadya atang ganoon kalaki ang pag-kaayaw mo sa akin. “Sa akin na kasi yan lumaki. Anak ng kapatid kong nasa abroad. Kaya Mama na ang tawag sa akin”.

           Para akong dinurog at inilibing nang buhay. Nagyaya na akong umuwi. Sabi ko, masakit ang tiyan ko. Pero gusto ko na lang talaga kumawala sa bangungot na binigay mo sa akin noong araw na yun.

           Pagdating sa bahay, tumakbo agad ako sa kwarto, umiyak nang umiyak nang umiyak. Tinawag na ako ng Inay upang kumain ng hapunan pero hindi ako tumugon. Umakyat siya upang ako’y tingnan at tinanong kung bakit ako umiiyak. Ayokong sabihin kasi alam kong magagalit siya sa’yo pero pinilit niya ako. Hindi niya ako iniwan. Umiyak lang ako hanggang sa ako’y ay makatulog.

           Paggising ko, andun pa rin ang sakit ng bangungot na pinaranas mo sa akin.